Ako Naman |
Pang "Maalaala Mo Kaya" ang muli nating pagkikita
Labinlimang taong walang balita, nagtagpo sa social media
Nagkwentuhan, nagkita, nagkaalaman ng nakaraan
Di namamalayan, unti-unti nang nagka-in love-an
Parang panaginip, totoo ba ito?
High school pa lang crush na kita, sa wakas naging tayo!
Di maitago ang ngiti, pati mga kaklase natin kinilig!
Dahil unrequited love ko noon, finally.. dininig!
Pero gaya ng sa KDrama, hindi laging masaya
Maraming adjustments lalo nung umpisa
Pang-LDR na nga ba ang Taguig-Bulacan?
Pero kahit walang sasakyan, go pa rin at lumalaban!
Marami rin tayong mga pagkakaiba:
Relihiyon, paniniwala, at pa'no harapin ang problema
Hindi pala sapat na basta mahal mo lang
Dapat alam ding punan ang mga pagkukulang
Sinabi ko sa'yo na sa huli pipiliin pa rin kita
Sa taglay mong bait at pasensya, wala na 'kong ganyang makikita
Pero masyado yata akong nabulagan sa mga pinakita mo noong una
Na di ko namamalayan ako na itong nagdurusa
Biglang di magpaparamdam - isang linggo - wala man lang pasabi
Naalala mo bang pinaghintay mo 'ko ng tatlong oras na di alam ang nangyayari?
Sabi mo di ka lang sanay kasi una mo 'kong naging ka-relasyon
Pero wala namang nabago ngayong magta-tatlong taon
Nakakapagod din pala na ako lang lagi ang gumagawa ng paraan
Kasi sa tuwing tatanungin kita, ang sagot mo "hindi ko alam"
Gusto sana kitang kasama, kasangga sa mga problema
Pero lagi akong nasa huli ng listahan kahit ang tagal ko nang nakapila
Bumuo tayo ng mga pangarap na magsasama nang mahabang panahon
Pero di mo pala alam anong kahulugan ng salitang "RELASYON"
Kaya pasensya ka na, binabawi ko ang sinabi ko noon
Kasi sarili ko naman ang pinipili ko ngayon.