Nanay - December 24, 2012 |
Biglang sumigaw si Xye sa tuwa, "Nakakalakad na si Nanay!" sabay takbo at yakap kay Nanay. Sa kasamaang palad, tumumba si Nanay at mula noon nahirapan na s'yang makalakad muli.
Ilang taon na'ng nanatili sa kama si Nanay. Pero kahit gano'n, hindi s'ya nagkaroon ng malulubhang karamdaman kahit lagi s'yang dumadaing na may masakit sa kanya. Matalas pa rin ang memorya at isip n'ya. Aakalain mo bang kabisado pa rin n'ya ang araw ng kapanganakan ng lahat ng anak at apo n'ya? Kahit magpakwento ka ng pagsakop ng Hapon, ide-detalye pa n'ya 'yan sa'yo. Mahilig pa rin s'ya makipagbiruan. Naalala ko, sa tuwing umuuwi ako ng bahay at magmamano sa kanya, tatanungin n'ya kung sino ang nagmano sa kanya. Ang isasagot ko naman, "Ang pinakamaganda n'yong apo!". S'yempre, walang duda, alam n'ya nang ako 'yon! Matindi rin magalit si Nanay at talagang matapang. Kulang na lang bumangon s'ya sa kama sa tuwing magagalit s'ya. Sabi nga namin, siguro sa galit n'ya nakukuha ang lakas n'ya. Pagdating naman sa pananampalataya, all-out si Nanay. Araw-araw nagdarasal at nakikinig sa El Shaddai. Hindi rin nawawala na ipagdasal n'ya kami. Hangga't maaari, gusto n'ya kaming makita na nasa magandang kalagayan na. Nung wala pa'kong nobyo, araw-araw akong hinihiritan na baka maunahan pa raw ako mag-asawa ng teenager kong pamangkin. Nito namang meron na, ang kanta naman sa'kin ay kung kailan daw ba kami magpapakasal.
Mula nang tumira ako sa San Andres, minsan sa isang buwan na lang ako makauwi ng Taguig kaya minsan ko na lang din nakikita si Nanay. Nung nakaraang Biyernes (December 14), may umabot sa aking balita na bigla raw na hindi nagsasalita at kumakain si Nanay. Hindi ko alam ano'ng iisipin ko. Pero nung sinabi na baka nagtatampo lang, bahagyang kumalma naman ako. Umuwi na rin ako ng Taguig kinabukasan para makita ang kondisyon n'ya. Tahimik lang s'ya at walang imik. Nagmano ako at nagsabing, "Nay, nandito na yung pinakamagandang apo n'yo" pero wala akong nakuhang sagot. Baka hindi na s'ya naniniwala o ayaw lang makipagbiruan. Sinubukan ko s'yang kausapin, haplusin -- hindi tampo ito. Martes (December 18) na ng hapon nang dinala s'ya sa ospital, pero Biyernes (December 21) na'ko unang nakadalaw. Nagulat ako kasi pagbukas ko pa lang ng pinto, naririnig ko na s'yang nagsasalita. Sabi n'ya, "Sige! Sige!" na parang nagagalit kahit halatang wala sa lugar ang mga sinasabi n'ya. Nakatali ang dalawang kamay n'ya dahil pilit n'yang tinatanggal ang suwero at daluyan ng pagkain. Hinawakan ko ang kamay n'ya pero naipit lang ako. Aba, ang lakas pa pala talaga ni Nanay. Sabi ng Doctor, may mga parte ng utak n'ya na di na nadaluyan ng dugo kaya s'ya nagkagano'n. At dahil na nga rin sa katandaan, kumikitid na ang mga ugat at nagbabara ang ilan. Kung katandaan ang problema, medyo mahirap na ngang masolusyunan, at hindi rin naman ito maiiwasan.
Bumisita ulit ako ng sumunod na araw. Nagsasalita pa rin s'ya ng nagsasalita ng wala sa wisyo. Sabi ng mga nagbantay, mula kagabi pa s'ya hindi natulog at salita lang ng salita. Sinubukan kong pakinggan ang ilang sinasabi n'ya. Bagama't karamihan ay malalabong salita, nabakas ko pa rin ang ilan tulad ng "Diyos", "patawarin", at "salamat". Namamaos na s'ya at ramdam ko na rin ang pagod n'ya.
Nitong Linggo (December 23), ako at ang nanay ko ang naka-tokang magbantay sa kanya ng magdamag. Gabi na nang makarating ako sa ospital. Nagulat ako kasi iba na naman ang kondisyon ni Nanay - tahimik at hindi masyadong umiimik. Pero kahit gano'n, napapakain na raw s'ya. Ang sabi nga ay kung mapapakain na s'ya, maaari na s'yang makalabas ng Lunes (December 24). Mula umaga ay naroon na ang magulang ko kaya nang dumating ako, nagnakaw muna s'ya ng ilang tulog. Ako naman ang nagbantay at nakatuon lang ang mata ko kay Nanay. Binabantayan ang bawat paghinga, hinahawakan ang kamay at inaayos ang kumot kapag nilalamig. Maya-maya, may dumating na nurse para tignan ang vital signs ni Nanay. Normal naman ang lahat at nakitaan rin s'ya ng reaksyon nang kurutin ang dulo ng kanyang daliri. Sumapit ang ika-1 ng madaling araw. Oras na para bigyan s'ya ng gamot at pakainin. Matapos s'yang pakainin, biglang gumalaw ang kanyang kamay at para s'yang hinihika. Sinabihan ko kaagad ang nurse at tumawag naman s'ya ng doktor. Ine-nebulize raw s'ya at kakabitan ng oxygen supply. Habang hinihintay, lumapit ako sa kanya at sinubukang kausapin. Napansin kong nakadilat ang kanyang mata, nakabaling sa may pader pero malayo ang tingin. Nang dumating ang magkakabit ng nebulizer, lumayo ako ng kaunti pero nakatuon pa rin ako sa bawat paghinga n'ya. Napansin kong iba na ang paghinga n'ya at nakanganga na parang nauubusan ng hangin. May mga dumadating na rin na ibang doktor pero hindi ko pa rin inaalis ang tingin ko sa kanya. Patuloy ang paghagap n'ya ng hangin pero unti-unting lumiliit ang buka ng kanyang bibig. Sinusubukan kong sabayan ang mahahabang pagitan ng kanyang bawat hinga habang bumubulong ako sa sarili na "Hinga lang 'Nay, hinga lang". Pahaba ng pahaba ang pagitan at paunti ng paunti ang nahahagap na hangin hanggang sa di na s'ya humingang muli. Kinabahan ako at parang lutang na lumabas ng kwarto. Humabol palabas ang isang doktor at sinabing tumigil na sa pagtibok ang kanyang puso pero isi-CPR s'ya at lalagyan ng tubong daluyan ng hangin para subukang i-revive s'ya. Matapos ang halos isang oras na hindi tumibok nang kusa ang kanyang puso, tinanggap na namin na wala na talaga s'ya.
Tama nga naman, nailabas nga namin si Nanay ng Lunes. Si Nanay talaga, tinotoo na yung sinabi n'yang di na s'ya aabot ng Pasko. Malay ba naman namin eh ilang taon na s'yang nagsasabi ng ganyan. Mga tipong di na raw n'ya aabutang maka-graduate yung isang pinsan ko eh naka-graduate na, kinasal na, at nagka-anak ay lahat naabutan pa n'ya. Siguro, pagod na nga rin talaga s'ya at nagawa n'ya na ang lahat sa 89 na taong s'ya ay nabubuhay.
Nanay, maraming salamat sa pag-aalaga, sa pag-aalala, sa pagdadasal, sa mga kwento at biruan. Masaya ako na kahit sa mga huling sandali, nagawa kitang alagaan. Mahal na mahal kita at hindi ko magagawang malimutan ang lahat ng tungkol sa'yo. Sana na-enjoy mo ang iyong unang Pasko sa langit kasama ang Diyos, ang lahat ng iyong mga kapatid, si Tatay, at ang anak mo na si Papa Dan.